Noong ika-6 ng Hunyo taong 2008, naipasa ang Republic Act No. 9502 o mas kilala ngayon sa tawag na Universally Accessible and Quality Medicines Act of 2008. Naglalayon itong ibaba ang presyo ng mga pangunahing gamot sa bansa upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino. Nabigyan ng pag-asa ang mga mamamayan sa kabila ng maraming butas o depekto ng naturang batas. Tatlong taon matapos maipasa ang batas na ito, natugunan nga ba ang pangangailangan ng mga tao at nagbunga ba ang pag-asang ipinuhunan ng mamamayan?
Walo sa sampung Pilipino ang walang kakayahang bumili ng mga mahahalagang gamot para sa kanilang mga karamdaman. Karamihan sa mga sakit na ito ay madali sanang lunasan kung mayroon lamang sapat na gamot at maayos na serbisyong pangkalusugan. Tatlong taon na ang nakalipas ngunit walang naramdamang pagbaba ng presyo ng gamot ang mamamayan. Mas lumala pa ang kalagayan dahil sa ibang pampublikong ospital tulad ng Philippine General Hospital at Philippine Heart Center ay kulang ang mga gamot para sa mahihirap na pasyente.
Sa 600 na gamot na wala nang patente sa bansa, 200 lamang ang kayang ilabas ng lokal na industriya sa merkado. Hindi sinusuportahan ng gobyerno ang mga local drug industry manufacturers sa bansa. Sa halip, mas marami ang mga gamot na ina-angkat mula sa ibang bansa. Dahil dito ay bumagsak din ang lokal na industriya ng gamot.
Sa kabila ng mga price ceilings na itinalaga, ang mga dayuhan pa rin ang nagdidikta ng presyo ng mga branded na gamot na siya namang patuloy na ina-angkat ng bansa. Alipin ang gobyerno nga mga transnasyunal na korporasyong banyaga. Hinahayaan ng gobyerno ang monopolyo ng mga dayuhan sa industriya ng gamot. Ito ay nagdudulot ng mahal na presyo ng mga gamot na 8 hanggang 12 na beses na mas mahal. Isa itong malaking dagok sa mahihirap na mamamayan.
Sa makatuwid, walang kapakinabangang naidulot ang batas na ito sa malwak na mamamayang Pilipino. Lalo lamang nitong pinalala ang kalagayan ng serbisyong medikal sa bansa. Sa halip na tinatamasa ng mamamayan ang kalusugan at iba pang serbisyong pampubliko ay tila ang gobyerno pa mismo ang nagkakait ng karapatang ito.
Kailangan ng mamamayang Pilipino ng maayos na serbisyong medikal na kayang tugunan ang kanilang pangangailangan. Kung hindi papahalagahan ng gobyerno at ng kinaukulan ang pangangailangan at karapatang ito ay patuloy na lalala ang serbisyong pangkalusugan.
Kailangang tuloy-tuloy na ipaglaban ng mamamayan ang karapatan sa kalusugan at igiit sa administrasyong Aquino na pakinggan ang mga panawagan para sa libreng gamot sa mga pampublikong ospital.
Related Posts
Three years of Cheaper Medicine Law has not made drugs affordable
No comments:
Post a Comment